MANILA, Philippines – Isang malalimang imbestigasyon ang nais ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III kaugnay sa ulat na tumataas ang bilang ng pag-torture sa mga detainees na nasa pangangalaga ng pulisya.
Ito ang iniulat ng Amnesty International (AI) kaugnay sa nagaganap na pagpapahirap sa mga preso na anya ay mahalagang masilip kung totoo.
Naniniwala ang senador na dapat magkaroon ng batas na pipigil sa mga “torturous activities” at magkaroon ng mekanismo sa pagsasagawa ng epektibong imbestigasyon sa mga iniuulat na insidente ng torture.
Sa ulat ng AI, may 75 na kaso umano ng torture ang naitala noong nakaraang taon na kung saan ang 60 kaso ay sangkot ang mga pulis.
Naniniwala ang senador na mas marami pang kaso ang hindi naiuulat dahil sa kawalan ng tiwala ng mga biktima sa justice system ng bansa.