MANILA, Philippines – Isang overseas Filipino worker (OFW) ang ginawaran ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo nito.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Vice President Jejomar Binay nang ipinatupad ng Saudi authorities ang execution o pagbitay sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo ng Pinoy na si Carlito Lana na naunang sinentensyahan dahil sa brutal na pagpatay sa matandang amo.
Ayon kay Binay, tumatayo ring presidential adviser on overseas Filipino workers’ concern na dakong alas-9:30 ng umaga noong Biyernes, nang ialis sa kanyang detention cell si Lana at binitay.
“Ikinalulungkot kong ibalita na ang kababayan natin na si Carlito Lana ay pinugutan ng ulo sa Saudi Arabia. Iyan po ay kinumpirma ng Philippine Embassy,” ani Binay.
Idinagdag ni Binay na hindi nagbigay ang Saudi government sa Embahada, sa pamilya at sa bibitaying Pinoy ng anumang “notice of execution” pagpapatupad ng bitay nito noong Biyernes ng alas-3:00 ng hapon.
Si Lana ay hinatulan ng Saudi court ng parusang bitay sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo noong 2011 matapos niyang mapatay ang employer na 65-anyos, isang Saudi national.