MANILA, Philippines – Hindi na nagising pa sa mahimbing na pagtulog ang isang ginang na presidente ng vendors association matapos na ito ay barilin ng tatlong beses sa mukha kamakalawa ng gabi sa loob ng kanyang bahay sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Belinda Bautista, 65, biyuda, ng no, 2434 M. Hizon St.
Batay sa ulat,dakong alas-8:00 ng gabi ay mahimbing na natutulog ang biktima katabi ang kanyang babaeng apo nang pasukin ng isang suspek at binaril ng tatlong beses sa mukha.
Iniimbestigahan kung may kinalaman sa pagiging opisyal nito sa vendors association dahil walang nawawalang gamit o walang anggulo ng pagnanakaw at ang pamamaril ng tatlong beses ay lumalabas na may matinding galit ang hindi pa kilalang gunman.