MANILA, Philippines - Napaslang ang tatlong umano’y notoryus na drug pusher sa naganap na shootout sa checkpoint sa Viola highway sa Brgy. Maronquillo, San Rafael, Bulacan nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Sr. Supt. Ferdinand Divina, Provincial Director ng Bulacan Police, dakong alas - 9:15 ng gabi ng makaengkuwentro ng mga tauhan ng pulisya ang limang armadong suspek sa inilatag na checkpoint sa nasabing lugar.
Ayon kay Divina, bago ang shootout ay nakatanggap ng impormasyon mula sa isang tipster ang mga operatiba ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) hinggil sa tatlong kahinahinalang kalalakihan na sumakay sa isang kulay itim na Hyundai Starex van (WJN 883), bukod pa ang natagpuang tatlong bicycle trek at isang Kawasaki Bajaj 100 na walang plaka na tinabunan ng damo sa Brgy. Maronquillo sa nasabing bayan.
Dahil dito naglatag ng checkpoint ang mga awtoridad sa kahabaan ng Viola highway at hinintay ang pagbabalik ng nasabing Starex Van pero sa halip na sumailalim sa checkpoint ay nagpaputok pa ng baril ang mga suspek kaya nagkaroon ng pagsasagupa sa pagitan ng mga ito na nagresulta sa pagkakapatay ng tatlong suspek at masuwerteng nakatakas ang dalawa.
Sa beripikasyon ay natukoy naman na ang narekober na Starex van ay nakarehistro sa pangalan ni Laurence Mangahas, residente ng 343 Brgy Pulo, San Rafael ng lalawigan. Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang armscor cal. 38 pistol, dalawang pouches ng shabu, tatlong malalaking balot ng shabu , 20 piraso ng maliliit na sachet ng shabu na tumitimbang ng 54.3 gramo na nagkakahalaga ng P250,000.00; 1 cartridge ng 5.56 rifle, basyo ng 9 MM, anim na cartridge ng cal; 38 pistol at mga bala ng naturang mga armas.