MANILA, Philippines - Uupo na bilang Officer in Charge ng Philippine National Police (PNP) si Deputy Director General Leonardo Espina matapos isilbi ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang 6 buwang ‘suspension order’ na ipinataw ng Office of the Ombudsman laban kay PNP Chief Director General Alan Purisima.
Ayon kay Roxas pinalagan ng kampo ni Purisima ang nasabing suspension order sa pagsasabing wala sa hurisdiksyon ng DILG ang pagsisilbi ng kautusan dahil nasa ilalim ng kapangyarihan ng NAPOLCOM ang PNP.
Sinabi ni Atty. Kristoffer James Purisima, kamag-anak at legal counsel ng Chief PNP na maituturing na illegal ang pagsisilbi ng nasabing kautusan.
Sinabi naman ni Roxas na taktika lamang ng abogado ni Purisima ang hindi pagkilala sa DILG sa layuning harangin ang suspension order.
Sa kasalukuyan ay nasa Samar pa rin si Roxas para sa isinasagawang assessment sa pinsala ng bagyong Ruby at disaster response operations sa mga naging biktima ng bagyong Ruby.
Magugunita na si Purisima ay pinatawan ng 6 buwang suspensiyon ng Ombudsman kaugnay ng maanomalyang P100M kontrata sa Werfast Documentary Agency na nagde-deliver ng mga lisensya ng baril.