MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang matadero nang saksakin siya ng kabarol nang magtalo sa isinanglang kuwintas kahapon sa Pasay City.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival Pasay City General Hospital dahil sa malalim na saksak sa katawan ay kinilalang si Christopher Legara, 24, ng Stanford St., Barangay 65, Zone 8, Pasay City.
Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Jose Soterio, ng Barangay Tejeros, Makati City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-12:30 ng tanghali sa #158 Dian Dolores St., Tripa de Gallina, Barangay 67, Zone 8 ay nagtalo sina Legara at Soterio, matapos umanong humingi ng dagdag na P150 ang una hinggil sa isinanglang kwintas ng suspek.
Habang nagtatalo ang dalawa ay dumating ang isang kasamahan na nakilalang si Michael at inagaw ng suspek ang nakasukbit na kutsilyo sa baywang nito at inundayan ng saksak ang biktima.