MANILA, Philippines - May nakaambang parusa na pagkakulong ng limang taon hanggang labinlimang taon at multa na hindi bababa sa P 1 milyong piso sa sinumang negosyante na lumalabag sa pinaiiral na ‘prize freeze’ sa mga idineklarang state of calamity dulot ng bagyong Ruby.
Ito ang naging babala ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Victorio Dimagiba, na sa loob ng 60-araw ay hindi maaaring magkaroon ng paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na deklaradong state of calamity.
Saklaw ng price freeze ay mga ang delata, gatas, kape, sabong panlaba, kandila, tinapay, bigas, asin, asukal at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kabilang sa isinailalim sa state of calamity ay ang lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Masbate, Catanduanes, Pilar, Capiz, Leyte at Samar.
Una nang tiniyak ng DTI, na sapat ang supply ng pangunahing bilihin sa Metro Manila gayundin sa mga lugar na apektado ng bagyo kaya’t walang dahilan upang magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at magkaroon ng panic buying.
Samantala, sinabi naman ni Agriculture Secretary Prospero Alcala na huwag tangkilikin at huwag bilhin ang mga produktong karne, gulay at isda sa mga pamilihan na nagtaas ng presyo bagkus ay isumbong ito Department of Agriculture (DA).
Ito ang sinabi ni Alcala matapos na makatanggap ng sumbong na ang nagtitinda umano sa Balintawak market at ilan pang pamilihan sa Quezon City ay nagtaas ng presyo ng kanilang panindang gulay mula P5.00 hanggang P10.00 at P20.00 sa presyo ng isda dahil daw sa bagyong Ruby.