MANILA, Philippines – Kaugnay ng ibinabang alerto sa malalakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng bagyong Ruby at banta ng storm surge ay libong residente sa mga mababang lugar sa Metro Manila partikular na ang mga naninirahan sa estero at mga tabing ilog ang inilikas.
Pinaalalahanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga naninirahan malapit sa Manila Bay na umiwas sa panganib kaugnay ng storm surge na nasa 3-4 metro ang taas bunga ng pag-landfall ng bagyong Ruby (alas 6-alas 8 ng gabi) sa Laiya, Batangas.
Sa tala ng Office of Civil Defense (OCD)-National Capital Region (OCD-NCR) kabilang dito ay ang nasa 2,000 katao sa katimugang bahagi ng Metro Manila na sumasaklaw sa Parañaque City, Alabang, Muntilupa at Las Piñas City.
Sa Marikina City ay nasa 247 pamilya o 1,197 katao sa Brgy. Tumana habang nasa 15 pamilya o katumbas na 77 katao sa Brgy. Langka.
Nasa 35 pamilya naman o 135 katao mula sa 3 barangay ang inilikas mula sa Brgy. Portrero, Malabon at ilalim ng tulay na nasa kritikal o flood prone areas.
Sa Quezon City ay inilikas ang mga residente sa mga mababang lugar sa Roxas District, Araneta, Tullahan, Bagong Silangan at E. Rodriguez Boulevard.
Sa lungsod ng Maynila ay nasa 806 pamilya o katumbas na 3,462 katao mula sa Baseco at Corazon habang sa Del Pan at Parola ay nasa 80 pamilya o kabuuang 320 katao.
Isinailalim na rin sa heightened alert status ang nasa 11 lugar dito sa Metro Manila kaugnay sa nakatakdang paghagupit ng bagyong Ruby.
Inihanda na rin ng AFP ang, 8 M35 truck, tatlong rubber boat at limang 450 M truck, amphibians para sa rescue operations at preemptive evacuation.
Muling kinansela ang klase ng mga pamunuan ng local government units sa Metro Manila at lalawigan sa Region 4 ay ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon Province at Calapan, Oriental Mindoro ngayong araw (Disyembre 9).
Narito ang panuntunan ng Department of Education (DepEd) sa otomatikong suspensyon ng klase:Signal #1-Walang klase ang Kindergarten; Signal # 2-Walang klase ang Kindergarten, Elementary at High School at Signal # 3- Walang pasok ang Kindergarten, Elementary, High School at College (kabilang ang Graduate School).