Supplier ng abortion drugs sa Quiapo, nadakip

MANILA, Philippines - Hindi na nakapalag ang isang ginang na umano ay supplier ng Cytotec, isang uri ng abortion drugs sa isinagawang entrapment operations sa Quiapo, Maynila.

Ang suspek ay kinilala ni Manila Police District-Plaza Miranda PCP chief, Insp. Rommel Anicete na si  Nimfa  Manecio, 33 ng Bgy. Batia, Sta. Maria Bulacan.
Batay sa ulat dakong alas-5:00 ng hapon nang magsagawa ng buy bust operation ang pulisya laban sa suspek na kung saan ay nagpanggap na poseur buyer si PO1Reynaldo Fortaliza.

Unang humingi ng 100 piraso Cytotec si PO1 Fortaliza sa suspek, subalit 56 lamang ang ibinigay.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money ay doon na nagsulputan ang kasama ni PO1 Fortaliza na si PO2 Joseph Ryan Talaguit at inaresto ito.

Nakatakdang sampahan ng paglabag sa  R.A. 9711  o Food, Drugs Devices & Cosmetic Act ang suspek.

 

Show comments