MANILA, Philippines – Napatay ang limang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) nang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa liblib na lugar sa Sitio Upper Balantang, Brgy. Cabuyan, Mabini, Compostela Valley kamakalawa.
Sa ulat ni Lt. Vergel Lacambra, Public Affairs Officer ng Army’s 10th Infantry Division (ID), bago nangyari ang bakbakan bandang alas-2:00 ng hapon ay kasalukuyang nagsasagawa ang tropa ng 71st Infantry Battalion ng security patrol nang masabat ang grupo ng mga rebelde na nauwi sa bakbakan.
Tumagal ng mahigit sampung minuto ang bakbakan na ikinasawi ng limang rebelde na inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Narekober din sa encounter site ang matataas na kalibre ng baril na gamit ng mga rebelde tulad ng isang M653 rifle, tatlong M16 rifles, isang garand rifle, limang bandoleers, 10 magazine para sa M16 rifle, mga subersibong dokumento at mga personal na kagamitan ng NPA rebels.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng tropang gobyerno laban sa mga nagsitakas na rebelde.
Magugunita na nitong nakalipas na linggo ay dinukot ng mga rebeldeng NPA ang dalawang sundalo habang nagsasagawa ng security operations sa New Corella, Davao del Norte.