MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang branch manager ng isang kumpanya ng motor makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Rizal Avenue, Brgy. San Franciso, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ang nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo ay kinilalang si Rito Masong, 43-anyos, manager sa Odyssey Motors.
Batay sa ulat, bandang alas-6:00 ng gabi ay minamaneho ng biktima ang kanyang XRM motorcycle 125 (7875 JL) kaangkas si Junriel Lesaran at binabagtas ang lugar nang harangin ng mga suspek na sakay naman ng MC XRM 125 na motorsiklong walang plaka.
Bumunot ang backrider ng kaniyang cal. 45 pistol at pinaputukan sa ulo ang biktima na sumemplang sa motorsiklong sinasakyan.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek at hindi sinaktan si Lesaran.