MANILA, Philippines – Napatay ang limang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) habang pito ang nasugatan nang tamaan ng isinagawang artillery fires ng tropa ng Joint Task Group (JTG) Sulu sa lalawigan ng Sulu kahapon.
Sinabi ni JTG Sulu Commander Col. Alan Arrojado, bandang alas-7:30 ng umaga nang magpaulan ng artillery fires ang tropa ng militar sa pinagkukutaan ng mga bandido sa Sitio Nangka, Brgy. Kulambu, Talipao ng lalawigan.
Ang lugar ay malapit sa Mt. Bagsak kung saan itinatago ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron ang nakatakas na hostage na si Lorenzo Vinciguerra, Swiss national, 49.
Nabatid na nasapul ng artillery fires ang limang napatay na Abu Sayyaf habang pito naman sa mga ito ang sugatang nakatakas at kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga napatay na bandido.
Magugunita na una nang ipinag-utos ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., ang paglulunsad ng law enforcement operations upang malipol ang mahigit pa sa 300 bandidong Abu Sayyaf Group na namumugad sa lalawigan.
Ang paglulunsad ng artillery fires ay upang ma-pressure ang mga bandido na palayain ang nalalabi pang 8 hostages.