Kumursunada sa mag-amang pulis, napatay
MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 26-anyos na real estate agent nang makipagbarilan ito sa mag-amang pulis na umano ay kanilang kinursunada kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Ang nasawi dahil sa tama ng bala sa dibdib ay kinilalang si Arwin Maliwat, ng no. 258 Isla de Romero, Quiapo, Maynila. Tumakas naman ang kasama nitong si alyas “Jerome”.
Iniimbestigahan na ng Manila Police District-Homicide Section ang mag-amang pulis na kinilalang sina SPO1 Rolando Doroja at PO2 Percival Doroja, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 1 at kapwa residente ng no. 1708 Velasquez St. Tondo, Maynila.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa harap ng isang bahay sa no. 1691 Velasquez St. kanto ng Baltazar St. Tondo ay dumating ang biktima at isang kasama sakay ng motorsiklo nang napatingin sa mag-ama at bigla na lamang umanong bumunot ng baril at pinaputukan ang grupo ng mag-ama na nag-iinuman malapit sa kanilang bahay.
Kaya’t gumanti ang mag-ama ng putok at tinamaan ang biktima na armado ng kalibre .45 pistola habang ang kasama nito ay humarurot dala ang minamanehong motorsiklo.- Ludy Bermudo-
- Latest