Roxas inalerto ang lgus kay ‘Ruby’

MANILA, Philippines - Ilikas ang inyong pa­milya sa ligtas na lugar at huwag umalis sa mga command centers anuman ang mangyari.

Ito ang ipinag-utos ni Interior and Local Go­vernment Secretary Mar Roxas sa lahat ng lokal na opisyales at ‘first responder units’ sa 54 na probinsya na maaa­ring daanan ng Super Bagyong si Ruby.

“Mahalaga na matiyak ng ating mga first responder units, kasama ang ating mga gobernador at mayor, na ligtas sa peligro ang kanilang mga pamilya bago nila gampanan ang mga tungkulin sa command centers,” ani Roxas.

“Gusto natin na siyento por siyento ang pokus nila sa trabaho habang nasa command centers at hindi na nag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa niya.

Nito lamang Miyerkules, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units sa lugar na daraanan ni Ruby na paganahin ang kanilang Local Disaster Risk Reduction Management Councils (LDRRMCs) para mapaghandaan ang pananalasa ng bagyo.

Inutusan din ni Roxas ang lahat ng kawani ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), regional offices ng DILG at LGUs sa mga apektadong lugar na kanselahin ang kanilang aplikasyon sa bakasyon para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

“Kailangan nating seryosohin ang lahat ng bagyo sa pumapasok sa Philippine Area of Responsibility.  Todong paghahanda ang kailangan natin dito sa Bagyong Ruby dahil inaasahan ng marami na kasinlakas ito ni Yolanda,” diin pa ni Roxas.

“Mahalaga na laging nasa command centers ang ating mga gobernador at mayor para masiguro nila na ligtas sa peligro ang mga mamamayan sa kanilang komunidad,” ani Roxas.

“Nakahanda ang lahat ng ahensya sa ilalim ng DILG, kasama ang PNP at BFP, na tulungan ang ating mga lokal na opisyales para mailikas ang mamamayan sa ligtas na lugar at mailayo sila sa panganib,” dagdag pa niya.

Show comments