MANILA, Philippines - Sa gitna na ipinataw na anim na buwang pagsuspinde ng Office of the Ombudsman laban kay PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng umano’y kontrobersyal na P100 M transaksyon sa Werfast Corporation ay hindi umano nito babakantehin ang tanggapan nito sa Camp Crame.
Sa paliwanag ni Supt. Roberto Po, Spokesman ni Purisima, hindi maaaring gamitin ng sinumang itatalagang Officer in Charge ng PNP ang opisina ni Purisima habang gumugulong ang anim na buwan nitong ‘preventive suspension’ dahil hindi naman ito tinanggal sa serbisyo.
Idinagdag pa nito na kung sinuman ang posibleng italaga bilang OIC sa loob ng 6 na buwan ay nakasalalay na ang pagpapasiya kina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at mismong kay Pangulong Benigno Aquino III.
Kasalukuyan ay nakabitin pa rin kung sinong opisyal ang posibleng italagang Officer in Charge para sa puwestong pansamantalang babakantehin ni Purisima.
Ang number 2 man ng PNP na si Deputy Chief for Administration, Deputy Director General Felipe Rojas ay hindi maaaring italagang OIC matapos itong opisyal ng magretiro kahapon.- Joy Cantos-