MANILA, Philippines - Ang Metro Manila ay posibleng hagupitin ng bagyong Ruby na magla-land fall sa kalupaan ngayong araw.
Ito ang naging babala kahapon ng US Navy Joint Typhoon Warning Center (JTWC) na ipinoste nila sa website at maaaring sa Martes ng gabi o Miyerkules ng madaling araw tatama ang sentro ng bagyo sa Metro Manila.
Sa pagtaya ng JTWC, sa Samar pa rin magla-landfall ang bagyo bukas at tatahakin nito ang Bicol Region sa Lunes at didiretso ng Metro Manila sa Miyerkules.
Naiba rin ang pagtaya ng JTWC sa lakas ng bagyo na ngayon ay umaabot na umano sa 287 kilometro bawat oras habang may pagbugso na hanggang sa 351 kilometro bawat oras.
Ang pagtaya ng JTWC ay taliwas naman sa prediksyon ng PAGASA na sinabing maapektuhan lamang ng mga pag-ulan ang Metro Manila.
Sa pagtaya naman ng PAGASA taglay pa lamang ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro bawat oras habang may pagbugsong hangin na aabot sa 250 kilometro bawat oras.
Tatama ang sentro ng bagyong Ruby sa Eastern Samar ngayong gabi at babaybayin ang karagatan sa hilagang bahagi ng Panay Island bago ito dumeretso ng Masbate.
Napag-alaman na ang ibang international weather agencies tulad ng Japan, Taiwan, Hong Kong, South Korea at China ay halos magkakapareha sa PAGASA na hindi na dadaan sa Metro Manila ang sentro ng bagyo.
Magugunita na ang US Navy JTWC, ang unang nagbabala sa super bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo na tatama sa Central Philippines ilang araw bago pa man ito nanalasa sa Eastern Samar partikular na sa Tacloban City na naging sentro ng hagupit nito noong Nobyembre 8, 2013.
Sa kasalukuyan nakataas ang Signal number 2 sa Sorsogon, Ticao island, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu, Cebu City, Bantayan island, Camotes Island, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Island at Siargao Islands.
Public storm signal number 1 naman sa Catanduanes, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Burias Island, Romblon, Capiz, Iloilo, Negros Oriental, Negros Occidental, nalalabing bahagi ng Cebu, Siquijor, Bohol, Misamis Oriental, Agusan del Sur at Camiguin island. -Joy Cantos, Angie dela Cruz-