MANILA, Philippines – Pinaghahanap ngayon ng Bureau of Quarantine ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na dumating sa bansa mula Sierra Leone na may Ebola outbreak matapos na malusutan umano ang mga airport authorities sa takot na magpasailalim sa 21-araw na quarantine.
Ito ay ayon na rin sa pahayag ng isa sa limang OFWs na hinarang pagkalapag sa Ninoy Aquino International Airport at ipinasailalim sa mandatory quarantine noong Lunes.
Una nang nagpakita ng kasulatan ang mga umuwing OFWs na nagtatrabaho sa mining company sa Siera Leone na nagpapatunay na ligtas sila sa Ebola subalit hindi tinanggap ng Bureau of Quarantine.
Mula sa pitong OFWs na dumating mula Sierra Leone, lima lang ang napigil ng airport authorities at naka-isolate ngayon sa isang pasilidad.
Nagreklamo rin ang mga OFWs sa hindi magandang pasilidad na pinagdalhan sa kanila kumpara sa Caballo island na pinagdalhan sa mga Pinoy peacekeepers.