MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas na ang tatlo sa 13 Pinoy crew na pinaghahanap matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang barkong pangisda sa Bering Sea sa Korea noong Lunes.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, kinilala ang mga nasagip na sina Rowell Aljecera, 30; Teddy Paranque Jr, 31 at Micol Sabay, 39 na kasalukuyang lulan ng dalawang magkahiwalay na Russian ships.
Ani Jose, si Aljecera ay nakasakay sa barkong Zalive Zabiyaka habang si Saya at Paranque ay lulan ng Karoina-77 trawler matapos na ma-rescue.
Itinawag umano ng Russian Foreign Ministry sa Embahada sa Moscow ang pagkakasagip sa tatlong Pinoy na binibigyan na ng atensyong medikal.
Tiniyak noong Martes ni South Korean Foreign Minister Yun Byung-se kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na ginagawa na ang lahat ng Korean government na mahanap ang mga nawawalang Pinoy.
Bukod sa 13 Pinoy na sakay ng naturang barkong pangisda, lulan din ng barko ang 36 Indonesians, 11 South Koreans at isang Russian inspector.
Ang nasabing barko ay tumungo sa Bering Sea upang mangisda ng isdang pollock, isang “marine delicacy” sa Korea.