Lover ni misis tigok kay mister
MANILA, Philippines – Walang awang binistay ng isang mister ang lalaking bagong kinakasama ng kanyang hiniwalayang misis sa naganap na madugong insidente sa Zone 7, Brgy. Cawit, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jayson Galicia, dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang nahaharap sa kasong kriminal ang suspek na si Jimmy Unsali ng Barangay Sta. Catalina ng nasabing lunsod.
Sa ulat ng Zamboanga City Police, naganap ang insidente sa bahay na tinitirhan ng misis at ng mga anak nito na kapiling ng suspek sa nabanggit na lugar dakong alas-6:15 ng gabi, kung saan nagpunta ang suspek dito para bisitahin ang kanyang mga anak kaya naabutan ang biktima habang nasa sala.
Sa puntong ito ay muling nabuhay ang poot sa puso ng nasabing mister na tuluyang gumuho ang pag-asa na magkabalikan pa silang mag-asawa.
Agad binunot ng suspek ang kaniyang nakasukbit na cal. 45 pistol at pinagbabaril ang biktima na duguang napalupasay at ilang sandali pa ay binawian ng buhay.
Narekober naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
- Latest