MANILA, Philippines – Gumagawa na ng hakbang si Justice Secretary Leila de Lima na ipagbawal o ipahinto ang access sa Pilipinas ng mga website na nanghihimok ng pakikiapid.
Inatasan na ni De Lima ang Office of Cybercrime (OOC) ng Department of Justice (DOJ) na pag-aralan ang mga hakbang na maaaring gawin laban sa website na Ashleymadison.com na nanghihikayat ng adultery o pakikiapid.
Hihilingin nila sa mga telecommunications company na ipagbawal sa bansa ang access sa nasabing website.
Sa ilalim umano ng Revised Penal Code, ang pakikiapid ay isang krimen at ito ay may katapat na parusa.
Inatasan na rin nito ang OOC na alamin kung may mga probisyon sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act na maaring gamitin laban sa nasabing website.