MANILA, Philippines – Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pamilya na kinabibilangan ng isang barangay chairman, misis nito at dalawang anak na umano ay mga drug pusher sa kanilang lugar matapos na salakayin kamakalawa ang kanilang bahay sa Pasay City.
Kinilala ni Atty. Eric Isidoro, hepe ng NBI-Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID) ang mga naarestong suspek na sina Brgy. Chairman Alejandro “Mork” Morales, misis nitong si Pilita, at dalawang anak na sina Jamie at Morlita.
Batay sa ulat, sinalakay ng NBI ang dalawang magkahiwalay na bahay sa Muñoz St., sa Pasay City sa bisa ng search warrants na inisyu ng Manila Regional Trial Court.
Nabatid na maimpluwensiya umano sa lugar ang suspek na si Mork dahil sa rami ng mga taong lookout nito, maliban pa sa nakapaligid ang 32 surveillance camera na may sensors ang buong barangay na nasasakupan nito.
“Kunyari may taong dadaan, tutunog siya. So kung maraming pulis or law enforcers na dadaanan, malalaman niya dahil tutunog nang tutunog yong sensors,”sabi ni Isidoro.
Lahat ng surveiilance camera ay konektado at kontrolado umano sa 7-palapag na bahay ni Mork na madali nitong namo-monitor sa kanyang kuwarto.
Nabatid pa na ang ipinambili ng mga nasabing gadgets ay nagmula sa pondo ng pamahalaan.
May pagkakataon pa umanong si Mork ay nanghimasok sa police operation kung saan pinakawalan nito ang nadakip na drug pusher at ang mismong pulis ang kaniyang sinasaktan at hinahabol habang inaagaw ang huli nitong tao.
Nang makita ng mga tao ang ginagawa ng kanilang chairman nagmistulang people’s power na dahil tumulong pa ang mga residente na kuyugin ang mga pulis.