5 miyembro ng sindikato ng droga, naaresto

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga otoridad ang limang lalaki na umano ay miyembro ng sindikato ng illegal drugs nang salakayin ang kuta sa Caloocan City, kamakalawa.

Ang mga naaresto ay kinilalang sina Muhammad Hasan; Amroding Asamao; Miguelito Pineda; Dickie Druz, at Rufino Balingcos.

Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang salakayin ng mga tauhan ng Caloocan Police-North Extension Office ang mga bahay sa Phase 12 Riverside Brgy. 188, Tala, na umano ay kuta ng sindikato  sa bisa ng tatlong warrant of arrest na inilabas ng Caloocan Metropolitan Trial Court.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang sila ay dakpin at nakumpiska sa bahay ang 22 iba’t ibang uri ng motorsiklo, isang kalibre .45 Colt na baril, isang M-79 Rifle, isang air-gun rifle, iba’t ibang uri ng bala, isang pakete na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga, 2 cellular phones, weighing scale at P7,260 cash.

Isang “blue book” rin ang nakuha sa lugar na naglalaman ng paglabas-pasok ng iligal na droga sa naturang sindikato.

Posibleng aabot sa limang kilo ng shabu ang ipinapakalat ng sindikato sa mga miyembrong tulak sa loob ng isang araw base sa nakatala sa “blue book”.

Nabatid na notoryus ang naturang lugar na matagal nang hindi napapasok ng pulisya dahil sa sistematikong operasyon ng sindikato.

Show comments