MANILA, Philippines – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang lalaki na umano ay lider ng UV Express hold-up gang na nanghoholdap sa mga pasahero sa Pasig City kahapon ng umaga.
Ang suspek ay kinilalang si Crisanto Maguddatu, nasa hustong gulang at walang tiyak na tirahan na naaresto sa hideout nito sa Felisa St. kanto ng Fatima Avenue, Serrano Subdivision, sa Barangay Marulas, Valenzuela City.
Batay sa ulat, dakong alas-10:45 ng umaga nang maaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Pasig RTC at Manila RTC dahil sa kasong robbery.
Nagsagawa ang Pasig City Police Intelligence Unit ng surveillance sa naturang lugar matapos na makatanggap ng ulat na lumipat na ng hideout ang suspek mula sa Sampaloc, Maynila, patungong Valenzuela City.
Nang makumpirma ang ulat ay kaagad na sinalakay ng mga otoridad ang pinagtataguan ng suspek na hindi na nakapalag nang makitang napapaligiran na siya ng mga otoridad.
Si Maguddatu ay kabilang sa top most wantedcriminals sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na sinasabing lider ng notoryosong grupo ng mga holdaper na bumibiktima sa mga pasahero ng UV Express at FX taxi.