MANILA, Philippines – Isang notoryus na miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na sangkot sa serye ng kidnapping for ransom (KFR) ang naaresto sa isinagawang operasyon sa Brgy. Landang Laum, Sacol Island, Zamboanga City kamakalawa.
Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Wahid Pingli alyas Gaffur.
Ayon kay Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang masakote ng tropa ng Joint Task Group Zamboanga ng AFP at ng Zamboanga City Police ang suspek sa nasabing lugar.
Sa ulat si Pingli ay may nakabimbing warrant of arrest kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention na inisyu ni Regional Trial Court-Zamboanga City Branch 14 Judge Reynerio Estacio.
Kabilang naman sa mga naging biktima ng grupo ni Pingli ay ang negosyanteng si Inocente Bautista na dinukot noong Mayo 27, 2008 sa Brgy. Tetuan sa lungsod ng Zamboanga.
Pinalaya si Bautista noong Hunyo 9 ng nasabi ring taon sa Brgy. Manicahan.
Sangkot din ang suspek sa pagdukot kay Vicente Barrios, 60, noong Hunyo 17, 2010 sa Brgy. Bolong, Zamboanga City na pinalaya naman noong Agosto 2.
Nasamsam sa suspek ang isang Elisco M16 na may magazine at 17 rounds ng bala.