MANILA, Philippines - DAHIL sa paglobo ng bilang ng mga rape victim sa bansa na karamihan ay mga bata, iginiit ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang pagbuhay sa parusang bitay bilang pinakamabigat na parusa sa mga rapists.
Sa Senate Bill 2462 na inihain ni Santiago nais nitong amyendahan at palakasin ang Anti-Rape Law of 1997 upang gawing habambuhay na pagkabilanggo hanggang death penalty ang parusa.
Sa panukala ni Santiago, kapag ang rape ay naisagawa gamit ang isang deadly weapon o ginawa ng dalawa o mahigit pang tao, ang parusa ay “reclusion perpetua to death”.
Kung mababaliw o magkakaroon ng psychological disorder ang biktima o magiging dahilan ang panggagahasa ng tangkang pagpapakamatay o pagkamatay ng biktima, ipapataw din ang parusang kamatayan.
Idiin ni Santiago ang pahayag ng Philippine National Police
Criminal Investigation and Detection Group’s Women and Children’s Protection Unit, na nag-ulat na karamihan sa mga nagiging biktima ng sexual abuse ay mga kabataan na may edad 13 hanggang 15.
Malaki ang paniniwala ni Santiago na kung itataas ang edad para madetermina ang statutory rape ay mabibigyan ng proteksiyon ang mga kabataan.
Samantala, kabilang sa mga senador na sumusuporta sa pagbuhay ng parusang bitay sa Senado ay si acting minority leader Vicente “Tito” Sotto III para naman sa mga krimen na may kinalaman sa ilegal na droga.