MANILA, Philippines - Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng pamunuan ng Philippine Navy hinggil sa pagpatay sa isang babaeng Marine Lieutenant sa loob ng sasakyan nito sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Nobyembre 26.
Ayon kay Lt. Commander Marineth Domingo, Spokesman ng Philippine Navy, palaisipan pa rin ang pagpatay sa biktimang si 1st Lt. Shelina Calumay, 33, may-asawa, residente sa Guijo St., BNS Fort Bonifacio ng nasabing lungsod, miyembro ng Naval Officers Course Class 13 at nakatalaga sa tanggapan ng Naval Inspector General.
Ang bangkay ni Calumay ay natagpuan dakong alas-6:00 ng umaga sa loob ng nakaparadang kulay gray na Suzuki Sedan (FJE-197) at may isang tama ng bala sa mukha habang nakaparada sa harapan ng Jurado Hall ng Naval Station Jose Francisco, Fort Bonifacio ng lungsod.
Ayon kay Domingo, agad kinordon ng Philippine Navy ang lugar habang nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng Southern Police District sa crime scene.
Samantalang wala ring armas na nakita sa pinangyarihan ng krimen at isa ring butas na dinaanan ng bala ang nakita sa kaliwang bintana ng sasakyan nito.
“The investigation is still ongoing. Close coordination is being done by the Navy and PNP. The Naval Provost Marshall will have a parallel investigation to complement the efforts of the Philippine National Police . This is in line with the Navy’s support for the speedy resolution of the case “, ani Domingo.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang taong responsable sa kamatayan ng biktima at patuloy na iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng suspek na responsible rito.
Samantalang, ipinaabot na rin ng Philippine Navy ang pakikiramay nito para sa naulilang asawa ng biktima na si Sgt. Jeremy Calumay, anak ng mag-asawa at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.