DILG, walang pinipili sa paglilingkod-Roxas
MANILA, Philippines – Ang kapakanan ng mamamayan sa pamahalaang lokal ang laging magiging prayoridad ng kagawaran.
Ito ang tiniyak ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa mga miyembro ng Senado na tugon sa mga sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa privilege speech nito sa Senado noong Lunes nang ipagpatuloy ang pagdinig ukol sa pambansang badyet para sa 2015.
Sa talumpati ni Santiago, pinaalalahanan niya ang DILG na tumutok sa mandato nito na subaybayan ang mga lokal na pamahalaan at siguruhing ligtas ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino, saan man sila nakatira at sino man ang kanilang kinikilingan, kaibigan o kaaway.
Isa sa mga proyektong binanggit ng senador ang Sagana at Ligtas na Tubig Para sa Lahat (Salintubig), isang proyektong sinimulan noong 2011 ng dating kalihim ng DILG na si Jesse Robredo.
Idinagdag pa ng kalihim na dahil maraming komunidad ang nananatiling walang supply ng sariwang tubig para sa pang-araw-araw na gawain, malaki ang maitutulong ng proyektong ito at para sa 2015, aabot ito ng P1.53 bilyon upang maabot ang may 89 lokalidad.
Sinabi ni Roxas na kabila ng mga pasaring ng ilang sektor na bigyan na kulay politikal ang mga gawain ng DILG, sinikap pa rin nitong gampanan ang tungkulin nito para sa taumbayan sa panahon ng kalamidad at ng kaguluhan, sa pamamagitan ng mga proyekto at programa ng kagawaran.
- Latest