MANILA, Philippines – Muli na namang umatake ang isang van na kinalululanan ng dalawang lalaki na dumudukot ng mga kababaihan matapos na puwersahang tangayin ang dalawang estudyanteng babae kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Isa sa dalawang biktima ay itinago sa pangalang Elsa, 15-anyos, 4th year student ng Pio Del Pilar High School at residente ng Brgy. Palanan. Habang inaalam pa ang pangalan ng pangalawang biktima na pinaniniwalaang estudyante ng Saint Paul College.
Sa salaysay ng biktimang si Elsa sa pulisya, na alas-7:00 kamakalawa ng gabi ay naglalakad siya sa kahabaan ng Kalayaan Avenue at pagsapit sa kanto ng P. Burgos St., Barangay Poblacion ay sumulpot ang isang Toyota Grandia na hindi naplakahan sakay ang dalawang lalakihan na naka-bonet.
Lumabas ang mga ito at tinakpan ng panyong may kemikal ang ilong ni Elsa, dahilan upang mahilo ito at ipinasok sa loob ng van.
Nang magkaroon ng malay ay nakita ni Elsa na nasa loob din ang isa pang babaeng biktima na nakasuot ng uniporme ng Saint Paul College.
Ginulpi silang dalawa ng mga suspek habang sila ay nasa loob ng sasakyan at biglang inihinto ito ng mga suspek sa Clean Fuel Gasoline Station na matatagpuan sa Vito Cruz St., Barangay San Antonio Village ng naturang lungsod para magpakarga ng gasolina.
Bumababa ang mga suspek upang mag-CR kaya’t nagkaroon ng tiyempo sina Elsa na makatakas.
Kaagad na nagtungo sina Elsa sa barangay at humingi ng ayuda sa mga opisyal doon.
Tanging si Elsa pa lamang ang nagtungo sa tanggapan ng Women’s and Children Protection Desk, Makati City Police kasama ang ina para magsampa ng reklamo.