VP Binay: Pinoy worker sa Saudi naligtas sa pugot-ulo
MANILA, Philippines – Nasagip sa tiyak na kamatayan ang isang tripulanteng Pinoy na nakatakdang pugutan ng ulo sa Saudi Arabia at inaasahang makakalaya sa susunod na buwan.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Vice President Jejomar Binay at kinilala ang Pinoy worker na si Jonard Langamin na nakaligtas sa bitay matapos pormal na makipagkasundo at mapatawad ng pamilya ng biktima at babaan ang hinihinging blood money.
Kasalukuyang nakakulong sa Dammam Reformatory Jail si Langamin dahil sa pagpatay sa kapwa Pinoy na si Robertson Mendoza noong 2008.
Nanawagan kahapon si Binay sa Department of Foreign Affairs (DFA) na bilisan ang pagpapalabas ng blood money ni Langamin upang makapiling ang kanyang pamilya ngayong darating na Kapaskuhan.
Nilinaw ni Binay na kailangang bayaran muna ang blood money bago tuluyang iutos ni Judge Sheik Ahmad Najmi Al Otaibe ng Damman High Court para sa marathon hearing upang tuluyang maisara ang nasabing kaso at desisyunan ang deportasyon ni Langamin.
Unang humingi ng halagang P5 milyon blood money ang pamilya ni Mendoza at sa pakikipag-usap ni Binay sa magkabilang panig sa Coconut Palace ay napapayag ang naagrabyadong pamilya na babaan ito sa P2 milyon.
- Latest