MANILA, Philippines – Makaraang makita ng tanggapan ng Ombudsman ng prima facie evidence laban kay dating Justice Secretary Nani Perez, misis nitong si Rosario, bayaw na si Ramon Antonio Arceo, Jr., at isang Ernest DL Escaler hinggil sa pagkakaroon ng umanoy nakaw na yaman na umaabot sa US$2 milyon ay inaprubahan ang pagsasampa ng petisyon sa Sandiganbayan para mabawi ito ng pamahalaan.
Sinasabing noong Pebrero 2001, isang Mario B. Crespo na kilala bilang si Mark Jimenez ay napuwersa ni Perez at Escaler na magbayad ng US$2 milyon kapalit para sa cessation of threats at intimidation laban sa una.
Kaya’t naisagawa ni Jimenez ang pagpapadala ng pondo mula sa kanyang bank accounts papunta sa bank accounts nina Perez, Escaler at Arceo.
Lumalabas din sa imbestigasyon na si Perez at asawang si Rosario at Escaler ay nasa Hong Kong nang isagawa ang paglilipat ng pondo sa bank account ng huli.
Hindi naman naihayag ni Perez sa kanyang SALN noong 2001 o ang financial interest ng asawa na may halagang US$1.7 milyon na nailipat sa kanilang account sa pamamagitan ni Escaler.