2 kriminal dedo sa barilan
MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na umano ay miyembro ng sindikatong kriminal ang nasawi nang makipagbarilan sa mga otoridad kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Isa sa dalawang napatay na suspek ay kinilalang si Mandy Solaiman Abubakar, nasa hustong gulang, ng Samata Village, Barangay 5 ng naturang lungsod.
Sa ulat, bago nangyari ang barilan dakong alas-6:00 ng umaga sa Samata Village, Barangay Talon 5 ng naturang lungsod ay sinalakay ng operatiba ng Intelligence Unit, Tactical Motorize Reaction Unit at SWAT Team Unit ng Las Piñas City Police upang isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Las Piñas City Regional Trial Court dahil sa umano’y patung-patong na kasong kinakaharap nito.
Nang mamataan ni Abubakar, kasama ang kasabwat ay pinaputukan nila ang mga pulis na gumanti kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa duguang bumulagta ang mga suspek.
Nasamsam mula sa mga nasawing suspek ang humigit kumulang sa isang kilong pinaniniwalaang shabu, 2 pirasong kalibre .45 baril, 1 pirasong kalibre .38 revolver, 1 kalibre .22, dalawang kalibre .9mm (pistol at beretta), 1 improvised shot gun (sumpak), daan-daang mga bala, assorted drug paraphernalias at limang digital weighing scale.
Ang mga nasawing suspek ay pinaniniwalaang kilabot na miyembro ng isang drug at gun for hire syndicate na nagsasagawa ng illegal na operasyon sa ilang lugar sa Southern Metro Manila.
- Latest