MANILA, Philippines – Dalawang habambuhay na pagkakulong ang ipinataw na parusa ng Manila Regional Trial Court sa isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at barangay chairman dahil sa panggagahasa at pambubugaw sa isang dalagita noong 2011.
Sa desisyon ni Presiding Judge Emily Gaspar Gito ng Manila RTC Branch 5, ibinaba ang hatol laban kina Sgt. Walter Candelaria ng PSG dahil sa kasong Violation of RA 9208 o qualified trafficking in person at RA 7610 o Child Abuse habang kasong child trafficking naman kay Bgy. San Miguel chairman Angel Murillo.
Una nang inakusahan ng rape ng isang 16-anyos na dalagita si Candelaria sa loob mismo ng PSG barracks.
Batay sa record na dakong alas-11:30 ng gabi noong Hunyo 21, 2011 nang lapitan ang biktima ni Murillo at ibinugaw sa tatlong PSG na kinabibilangan ni Candelaria.
Pilit na isinakay ang biktima sa kotse at dinala sa barracks ng mga PSG kung saan naganap ang panghahalay kahit na nagmamakaawa ito.
Hindi na nagbigay ng pahayag sina Candelaria at Murillo sa naging hatol sa kanila.