MANILA, Philippines – Nabahiran ng trahedya ang isang pistahan nang pasabugin ang isang bilyaran na ikinasawi ng tatlong katao at pagkasugat ng 25 iba pa na naganap kamakalawa ng gabi sa M’lang, North Cotabato.
Batay sa ulat, dakong ala-7:30 ng gabi nang sumabog ang bilyaran habang nasa gitna na rin ng pagsasaya ng mga tao sa Kawayanan Festival.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jade Villarin, John Camiring at Francis Rio.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP–Public Affairs Office mga spoilers ng peace talks o ang BIFF, ang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang hinihinalang nasa likod ng pagpapasabog.
Nabatid na ang bomba ay inilagay sa ilalim ng upuan ng billiard hall malapit sa plaza ng bayan nang ito ay sumabog. Ayon sa mga testigo na bago ang pagsabog ay nakita ang dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo ang nagmamadaling lumisan sa lugar na hinihinalang siyang nasa likod ng pagtatanim ng bomba na natukoy na gawa sa 60 MM mortar.