MANILA, Philippines – Walang awang pinatay ng tatlong lalaki ang isang babae sa pamamagitan nang pagsaksak dito at pagbaril kahapon ng madaling araw sa Brgy. Palatiw, Pasig City.
Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad 20-25, may taas na 5’1”, kayumanggi, naka-sleeveless na blouse at printed leggings.
Sa salaysay ng isang 22-anyos na lalaki dakong alas-3:50 ng madaling araw sa Market Avenue ng nasabing barangay ay naalimpungatan siya nang makarinig ng tahulan ng mga aso sa labas ng bahay.
Nang silipin ay nakita niya ang biktima na nakikipag-usap sa dalawang lalaki at nagwika ng “Ginagawa ko naman ang pinagagawa niyo ah!”
Inakala ng testigo na tampuhan lamang ng magkakaibigan ang nagaganap kaya’t hindi na niya ito pinansin at ilang sandali ay narinig niyang umuungol ang babae at nang silipin ay pinagtutulungang saksakin ng dalawang suspek.
Lalabas sana ang testigo upang tulungan ang babae ngunit nakita niya ang ikatlong suspek na papalapit at pinaputukan ng dalawang beses.
Narekober sa crime scene ang backpack ng biktima na may dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu na nakalagay sa posporo.
Kaya’t hinala ng pulisya na ang pagpatay ay may kaugnayan sa droga.