Trader gutay sa sumabog na oxygen tank

MANILA, Philippines – Mistulang nagkalat na giniling sa paligid ang nangyari sa katawan ng may-ari ng welding shop na si Marquel Pilapil matapos na masapol ng sumabog na tangke ng oxygen  habang nasugatan ang apat nitong trabahador naganap kamakalawa sa Brgy. Baliwagan, Balamban, Cebu.

Dinala naman sa Balamban District Hospital ang   mga sugatang  sina  Grace Capangpangan; Ranulfo Minoras; Nestor Pinili at Angelo Babor.

Masuwerte  namang nakaligtas at hindi tinamaan ng shrapnel ang isang Edwin Malinao.

Batay sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga ng maganap ang pagsabog sa bisinidad ng welding shop ni Pilapil sa nasabing lugar.

Nabatid na pinuputol ni Pinili ang ilang bahagi ng isang lumang truck crane habang nakamasid naman si Pilapil nang biglang sumingaw ang tangke na  dali-dali nitong isinara gamit ang welding nozzle.

Habang tinutukoy ang pinagmulan ng singaw ng tangke ay bigla itong sumabog na sumapul sa katawan ni Pilapil na nagkagutaygutay ang itaas na bahagi ng katawan.

Sa inisyal na pagsisiyasat na dating acetylene tank na nilagyan lamang ng oxygen ang sumabog na tangke.

Narekober naman ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang  ilang bahagi ng sumabog na tangke may 250 metro ang layo sa naturang welding shop.

Show comments