MANILA, Philippines - Mariveles, Bataan-Naglahong parang bula ang magandang kinabukasan ng isang 14-anyos na dalagita nang dukutin at sunugin ng hindi pa nakilalang suspect noong Martes ng umaga sa Barangay Poblacion ng bayang ito.
Kinilala ni Bataan PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Raynold Rosero ang biktima na si Denielle Ferreria y Evangelista, 14, dalagita, grade 9 (High School student) sa Llamas Memorial High School na matatagpuan sa Barangay Poblacion.
Sa report ng pulisya, sinabi ng mga magulang ng biktima na maaga itong pumasok sa esk—welahan noong November 18 pero hindi na ito nakauwi para kumain ng pananghalian at pagsapit ng alas 5:49 ng hapon ay nakatanggap na ng isang text message ang ina ng biktima mula sa mga kidnaper at ang ginamit pa ang cell phone ng biktima at nanghihingi umano ng kalahating milyong piso (P500,000) para sa kalayaan nito.
Sa isang follow-up operation na ginawa ng pinagsanib na puwersa ng Anti-kidnapping Task Force mula sa Camp Crame, Bataan Provincial Intelligence Branch at Bataan Provincial Police Security Force dakong alas 6:15 ng umaga noong November 20 ay natagpuan ang bangkay ng biktima na naka silid sa sako na halos hindi na makilala sanhi ng pagkakasunog ng buong katawan sa isang lugar sa may kahabaan ng National Highway Sityo Milagros Barangay Balon Anito Mariveles.
Nabatid na ang ama ng biktima ay isang Overseas Filipino Worker. Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy at madakip ang suspek dito.