MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit dalawang daang libong masahista sa bansa ang nanganganib na mawalan ng trabaho sa oras na ipatupad ng Department Of Health (DOH) ang paglilisensya sa mga ito.
Ito ang ipinahayag ni Robert Lim Joseph, secretary general Philippine Organization of Wellness Establishment and Resources Inc. (POWER).
Ayon kay Joseph, sa kasalukuyang patakaran ng DOH bukod sa napakataas na training fee na aabot sa walo hanggang sampung libong piso at kailangan din ipasa ng mga masahista ang pagsusulit para makakuha ng lisensya na kanilang kakailanganin sa pagtatrabaho sa mga paksa tulad ng Biology, Anatomy, at Physiology na imposible dahil karamihan ng mga masahista ay hindi naman nakatapos ng pag-aaral.
Hindi na rin anya kailangan pang dumaan ang mga masahista sa training ng DOH dahil mayroon ding kahalintulad na training na ibinibigay ang TESDA.