MANILA, Philippines – Nasawi ang isang mag-ina habang isang fire volunteer ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang may 25 kabahayan sa Barangay Valencia, Quezon City kahapon.
Kinilala ang mga nasawing sina Evangeline Trinidad, 43; at Maria Cresencia Trinidad, 72, na ang bangkay ay narekober sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, dakong alas-11:08 ng umaga nang magsimula umano ang sunog sa bahay ng isang Elisa Ramos, 52 na kapitbahay ng mag-inang Trinidad.
Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay ay agad na kumalat ang apoy at nadamay ang mga katabing kabahayan.
Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang fireout ng mga rumespondeng bumbero.
Umaabot sa 50 pamilya ang nawalan ng bahay habang nasa P500,000 ang halaga ng nasunog na mga ari-arian.