MANILA, Philippines – Nadakip ng pulisya ang isang sinibak na sundalo na tinaguriang no.5 most wanted na kidnaper sa lalawigan ng Bicol.
Hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga pulis ang suspek na kinilalang si dating PFC Rodante Cabaylo, 37, sa harap ng kanyang bahay sa Zone 1 Del Rosario, Naga City.
Ang suspek ay dinakip sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Bernelito Fernandez, ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 97 sa pagkidnap sa isang Sally Chua noong July 5, 2013 at walang piyansa na inirekomenda.
Nabatid na si Cabaylo ay isa sa 7 suspek na kumidnap kay Chua sa kahabaan ng EDSA, Barangay Philam, Quezon City noong July 5, 2013.
Humingi ang grupo ng P100 milyon na ransom para sa paglaya ni Chua, subalit naibaba ito sa P15 milyon nang makipagnegosasyon ang pamilya ng biktima.
Nang winiwidraw ang ransom money ng mga suspek sa isang bangko sa C.M. Recto St., sa Davao City ay nagkaroon ng barilan na ikinasawi ng tatlong kidnaper na sina Pfc. Daniel Mortejo, Leo Miranda, at Edilberto Apari at nasagip si Chua.
Bukod kay Cabaylo, ay naaresto rin sina Reccente Padillo, ang utak sa kidnapping at Ramil Macamay. Habang ang isa pang suspek na si Erick Gonzaga ay patuloy pang pinaghahanap.