MANILA, Philippines - Nanawagan si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na i-donate ang 4.5 ektaryang bahagi ng “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas na nakarehistro sa pangalan nito.
Sa pagdinig ng Senado sa mga hinihinalang nakaw na yaman ni Vice President Jejomar Binay, inamin ni Mercado na binigyan siya ng 4.5 ektaryang lupain ng dating alkalde ng Makati noong magkaalyado pa sila.
“Mas marami siyang mapapala at walang mawawala sa kanya kung ibibigay ang lupain sa gobyerno,” diin ni Pimentel sa lupaing parte ni Mercado sa hinihinalang kickbacks ni Binay sa mga overpriced na kontrata sa Makati.
Anya, maaaring ibigay ni Mercado ang lupain sa Department of Agrarian Reform para ipamahagi sa mga magsasakang walang lupa o ipagkaloob ito sa munisipyo ng Rosario, Batangas para magamit ng pamahalaang lokal kung saan naroon ang 150 hanggang 350 ektaryang “Hacienda Binay.”
Sinabi ni Mercado sa Senate Blue Ribbon sub-committee sa ilalim ni Pimentel na kahit nakapangalan sa kanya ang lupa ay lumagda lamang siya sa deed of sale sa utos ni Binay kasabay ng pag-amin na isa siya sa mga dummy ng dating Makati mayor para itago ang mga nakaw na yaman nito.