3 bata tupok sa posporo

MANILA, Philippines – Ang pinaglaruan umanong posporo ng tatlong magkakapatid na paslit ang naging dahilan ng pagkasunog ng kanilang bahay na ikinasawi ng mga ito na naganap sa Patikul, Sulu.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Ashaid Usman, 4; Fatima Ayesha Usman, 3 at Mohammand Khan Usman, 2.

Batay sa ulat, naiwan ang magkakapatid sa kanilang bahay dahil sa kapwa pumasok sa kanilang trabaho bilang guro ang kanilang mga magulang.

Malaki ang hinala ng pulisya na naglaro ng posporo ang magkakapatid na siyang pinagmulan ng sunog na tumupok sa kanilang bahay.

Nabigo nang mailigtas ng kanilang mga kapitbahay ang magkakapatid dahil sa nilamon na ng apoy ang buong kabahayan.

Halos abo na ang bahay nang dumating ang mga magulang dakong alas-12:00 ng tanghali para sana  mananghalian at nakita ang natustang katawan ng kanilang mga anak.

Show comments