Pulis, sundalo patay sa NPA attack
MANILA, Philippines – Napatay ang isang pulis at isang sundalo habang nasugatan ang apat na iba pa at dinukot pa ang isang alkalde nang salakayin ng nasa 50 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang himpilan ng pulisya kamakalawa ng gabi sa Paluan, Occidental Mindoro.
Sa ulat ni AFP Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) Spokesman Major Angelo Guzman, dakong alas-4:15 ng hapon nang umatake ang mga rebelde sa Paluan Municipal Police Station na matatagpuan sa Brgy. Alipao.
Nabatid na pawang nakasuot ng camouflage uniform ang mga rebelde na lulan ng dalawang van na agad pinaulanan ng bala ang police station na ikinasawi ng isang pulis habang apat pa sa mga ito ang nasugatan.
Nagresponde rin ang mga elemento ng 76th Infantry Battalion (IB) na nakipagpalitan ng putok sa papatakas na mga rebeldeng komunista na ikinasawi ng isang sundalo na pinaniniwalaan na marami rin ang nasugatan sa panig ng mga kalaban.
Upang hindi masukol ng mga nagrespondeng sundalo ay pinasok ng mga tumatakas na rebelde ang munisipyo sa tabi ng himpilan ng pulisya at dinukot ang alkalde dito na si Mayor Carl Michael Pangilinan at ang municipal administrator nito.
Ginamit ng mga rebelde si Mayor Pangilinan at municipal administrator na kalasag sa kanilang pagtakas pero pinakawalan rin sa may ilog may 3 kilometro mula sa inatakeng himpilan ng pulisya.
- Latest