MANILA, Philippines - Kinastigo kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang isang testigo ng Senate Blue Ribbon sub-committee na nanghuhula uli sa alegasyon nito na ang Makati Science High School Building na nagkakahalaga ng P1.33 bilyon ay overpriced.
Ayon kay Joey Salgado, hepe ng Office of the Vice President media affairs, na si Renato Bondal ay siya rin na nagpahayag na ang birthday cakes na ibinibigay sa mga Makati senior citizens na may kaarawan ay overpriced ng P1,000 at inamin kaagad na hula lang niya iyon.
Magugunita na sa pagharap kamakalawa ni Bondal sa Senado ay sinabi na ang Makati Science High School Building ay overpriced ng P862 million o 283 percent ay pinakamahal umano na national high school building sa bansa.
Sinabi ni Salgado, na tila nakaligtaan ni Bondal na kwentahin ang kabuuang gastos kasama na ang foundation, finishing, at facilities.
Unang sinabi ni Bondal mula sa nakuha nitong data mula sa National Statistics Office (NSO) na ang Makati City Hall Building 2 ay overpriced gayung nilinaw ng NSO na ang data nila ay base sa building permit applications at hindi sa aktuwal na gastos sa pagpapagawa kaya’t ang Makati City Hall Building 2 at Makati Science High School ay pumasa sa Commission on Audit.
Kaya hinamon nito si Bondal at Senado na kung tunay ang kanilang alegasyon na overpriced ang Makati Science High School Building ay magsampa sila ng kaso sa korte.
Hiniling din ni Salgado sa isa pang testigo ng Senado na si dating Makati City general services department head Mario Hechanova na itigil na ang paggamit ng pangalan ng namayapang si Makati City Engineer Nelson Morales sa Senate Blue Ribbon sub-committee hearings dahil sa hanggang ngayon ay nagdadalamhati pa rin ang pamilya nito.