MANILA, Philippines - Todas ang isang notoryus na miyembro ng isang sindikato ng iligal na droga na umano’y naghagis ng granada sa Manila Police District Station 1 matapos na makipagbarilan sa pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrests ang suspek na si Armando Castro, nasa hustong gulang, ng Brgy. North Bay Boulevard South, dahil sa kasong illegal possession of firearms, illegal drugs at frustrated murder, pasado alas-6 ng gabi.
Sa halip na sumuko, nagpaputok umano ng baril ang suspek kaya gumanti ang mga pulis sanhi ng kamatayan nito. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang suspek na sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa record ng pulisya, nabatid na si Castro ang pangunahing suspek sa paghahagis at pagpapasabog ng granada sa MPD Station 1 sa Tondo, Maynila. Pinakauna noong Abril 24, sumunod noong Oktubre 6 at pinakahuli noong Oktubre 14.
Nabatid rin na si Castro ay miyembro umano ng “Grupo ni Pater”, isang sindikato na sangkot sa distribusyon ng iligal na droga sa Navotas at Maynila.