Binay: Mga senador hindi makikinig sa akin!
MANILA, Philippines - Hindi handang makinig sa anumang paliwanag na sumasalungat sa kanilang kongklusyon na ako ay nagkasala na.
Ito ang ipinahayag sa sulat na ipinadala kahapon ni Vice Presidente Jejomar Binay kay Senate Blue Ribbon Committee chairman Teofisto Guingona III dahil magbibigay ito ng maling batayan sa hinaharap.
Ganumpaman, nagbigay si Binay ng sinumpaang salaysay sa mother committee na inaasahan niyang isasama sa record ng pagdinig.
Ang sinumpaang salaysay ni Binay ay nagsasaad ng detalyadong sagot sa mga walang basehang paratang at mga kasinungalingan at sa hayagang pagkampi sa kanila at paninira ng mga kasapi sa Senate subcommittee sa mga bagay na nilalaman ng Resolution 826.
Inulit din ng Bise Presidente na sina Rep. Toby Tiangco, ang interim president ng United Nationalist Alliance (UNA), at Atty. JV Bautista, interim secretary general ng UNA, ang otorisadong kinatawan niya sa mga pagdinig.
Sa sulat, pinuna ng Bise Presidente ang asal nina Senador Alan Cayetano at Antonio Trillanes sa pagdinig na nagpapakita ng panghahamak, pangmamaliit, pambabara, at pananakot sa mga ordinaryong mamamayan na ang mga testimonya ay kontra sa kanilang kongklusyon.
Binanggit din ni Binay ang kawalang-aksyon ng liderato ng Senado na punahin ang asal ng mga senador at paglabag nila sa batas at mga karapatan.
Ayon pa kay Binay, ang mga resource persons na nagbibigay ng mga testimonyang salungat sa kongklusyon ng mga senador ay tinratong parang “kriminal.”
Anya sa pagbulag-bulagan o pagkonsinte ng liderato ng Senado sa inasal ng mga senador, hindi niya matatanggap ang paniniguro na gagawaran siya ng respetong angkop sa kanyang posisyon at irerespeto ang kanyang mga karapatan.
Binanggit din ng Bise Presidente na kusang hinayaan ng mga kasapi ng Senate subcommittee na maging bahagi ng sindikato ng kasinungalingan.
Ayon pa kay Binay na noong una ay naisip niyang dumalo upang linawin at pabulaanan ang mga paratang laban sa kanya, ngunit nagbago ang isip niya dahil sa mga inasal nina Senador Trillanes at Cayetano sa mga nakaraang pagdinig.
- Latest