MANILA, Philippines - Nalambat ng mga otoridad ang dalawang lalaki na responsable sa pagpapakalat ng shabu sa isinagawang buy bust operation kahapon ng alas-7:30 ng umaga sa Barangay Salvacion, La Loma, Quezon City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Alimar Sulaiman, 26; at isang 16-anyos na binatilyo na pawang tubong Marawi City at naninirahan sa Quiapo, Maynila.
Nakarekober ang QC Police District Anti-Illegal Drugs ng 15 maliliit na supot ng hinihinalang shabu na aabot sa isang kilo na nagkakahalaga ng P4-M mula sa dalawang suspek na sakay ng Toyota Altis sa Don Manuel kanto ng Calavite Street.
Nagkaroon pa ng habulan bago tuluyang naharang ang kotse na may conduction sticker na YD 1179 habang sa temporary plate nito ay may sticker pa ng Philippine Army.
Kasama rin sa narekober ang P200,000 cash na marked money.
Ayon kay QC Police Director Sr. Supt. Joel Pagdilao, may babagsakan ng shabu ang mga suspek sa La Loma kaya nagkasa ng operasyon.
Ito ay follow-up operations na rin umano ito sa pagkakahuli sa isang pulis-Rodriguez, Rizal sa North Fairview, QC noong Lunes ng madaling araw. Ang pulis umano ang distributor ng shabu sa Fairview area.