ICC probe inuupuan lang sa Senado - UNA
MANILA, Philippines – Binanatan ni United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco ang Senate Blue Ribbon committee dahil tila sila ay “dilly-dallying” sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y overpriced Iloilo Convention Center (ICC).
Ang ICC ay pet project umano ni Senate President Franklin Drilon, na ang pagpapagawa nito ay galing sa pondo nito sa PDAF at DAP allocations noong 2012 at 2013.
“Mukha pong dilly-dallying lang ang ginagawa ng Blue Ribbon Committee tungkol sa Iloilo Convention Center,” wika ni Tiangco.
“Sinasabi nilang gusto nilang patibayin pa ang ating procurement laws, eto na ang kaparehas na kaso, so dapat mas makakatulong ito pero bakit ayaw galawin kapag kaalyado ang kasangkot sa anomalya?”
Ayon kay Tiangco, ang Blue Ribbon ang tanging komite sa Senado na magsasagawa ng mga hearings kahit na walang anumang resolution na isinasampa.
Ayon kay Blue Ribbon chairman Sen. TG Guingona na kanila pang tinitipon ang mga dokumento kaugnay sa sinasabing overpriced na ICC at balak na simulan ang imbestigasyon sa susunod na linggo pagkatapos masuri ang mga dokumento na may kinalaman sa ICC.
Sinabi naman ni Tiangco na posibleng pagkatapos na maipasa sa komite ang mga dokumento ay doon na ito magsasagawa ng mga tanong base sa ipinasang dokumento at sila ay interesado na makita ang kalalabasan ng mga hearings.
“Bakit dito sa ICC kakaiba ang rules ng Blue Ribbon, samantalang sa Makati Building-2 wala pang dokumentong ipinapakita ang mga sinasabing witness, agad-agad ang hearing at imbestigasyon?” wika ni Tiangco.
Tanong pa ni Tiangco, magpapakita ba ng kasiglahan at agresibo ang mga kaalyado ni Drilon na kapareho ng ginagawa sa subcommittee at magsasagawa ba sila ng siyam na hearing upang lumabas ang katotohanan?
“Pero kung titingnan ninyo ang imbestigasyon ng Makati City Hall building II, August 11 nag-file ng resolution, na-refer sa committee on the same day, at first hearing a week after on August 18,” dagdag pa ni Tiangco.
“Matagal nang may resolusyong nakahain, pero inupuan lang ito, tulad noong sa bilyong-pisong Malampaya scam, may date nang na-set pero hanggang ngayon walang aksyon ang Blue Ribbon Committee,” pagwawakas ni Tiangco.
- Latest