MANILA, Philippines – Tatlong sundalo ang napatay ng mga miyembro ng New People’s Army sa magkahiwalay na pangyayari sa lalawigan ng Albay at Agusan del Sur.
Sa bayan ng Daraga, Albay ay nasawi ang dalawang sundalo na sina PFCs Jerome Sambrona at Dario Marawis.
Batay sa ulat, dakong alas-7:45 ng umaga ay sakay ng motorsiklo ang dalawa at pabalik na sa evacuation center matapos ang pamamalengke.
Pagdaan ng mga ito sa makahoy na lugar ay pinagbabaril ito ng limang NPA na nag-aabang sa kanilang pagdaan.
Patay na bumulagta ang dalawang sundalo habang ang mga NPA ay tumakas.
Samantala, sa Brgy. Consuelo, Bunawan, Agusan del Sur ay nasawi rin si Army Technical Sgt. Leonardo Pilare Jr., nang ito ay tamaan ng bala nang makasagupa ang nasa 15 rebeldeng NPA sa pamumuno ni Belarmino Sanchez alyas Ka Susay Monic.
Tumagal ng 35 minuto bago nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig.