Trak-trak na basura nahakot sa sementeryo
MANILA, Philippines – Umaabot sa mahigit 800 toneladang basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mula sa 21 sementeryo sa Metro Manila mula nitong Oktubre 27 hanggang kahapon.
Ayon kay Francisco B. Martinez, Acting Chief, Environmental Mngt. Division, na karamihan sa mga basurang kanilang nahakot ay mga styrofoam containers, mga plastik na bote, bulaklak, mga pinagbalutan, at mga bag na puno ng basura buhat sa loob ng mga sementeryo.
Nasa 350 tauhan ang ipinakalat ng MMDA sa 21 pangunahing sementeryo sa Metro Manila na nag-umpisa ng operasyon mula noong Oktubre 27.
Sa kabuuan, nasa 139 trak ng basura ang nahakot ng ahensya o may katumbas na 834 toneladang basura sa loob ng limang araw.
Kabilang sa mga sementeryong senerbisyuhan ng MMDA ay ang Manila North at South Cemetery; Sarhento Mariano Public Cemetery sa Pasay City; Palasan, Arkong Bato at Karuhatan Public Cemetery sa Valenzuela City; San Juan Public Cemetery; La Loma Public Cemetery sa Caloocan City; Libingan ng mga Bayani sa Taguig City; Pasig Public Cemetery; Baesa at Bagbag Public Cemetery sa Quezon City; San Joaquin, Aglipay at San Roque Cemeteries sa Pateros; Manila Memorial Park sa Parañaque City; Loyola Memorial Park sa Marikina City; Philippine Aglipay Cemetery; at Garden of Life Cemetery sa Mandaluyong City.
Sa patuloy na pagdagsa ng tao sa Manila North at South Cemetery kamakalawa ay patuloy pa rin umano ang gagawin nilang paghahakot ng basura sa naturang dalawang sementeryo.
- Latest