MANILA, Philippines – Dahil sa problemado kung paano mababayaran ang mga utang na umaabot sa P40,000 ay nagawa ng isang ginang na takasan ito sa pamamagitan ng pag-inom ng lason naganap kamakalawa sa Pasay City.
Ang biktima na natagpuang patay sa loob ng inuupahang silid sa Libertad St., Brgy. 69 ay kinilalang si Revelin Mendoza, 25.
Sa salaysay sa pulisya ng landlady na si Chona Montecalvo, dakong alas-7:30 ng gabi ay kumatok siya sa pinto ng silid ng biktima upang isoli ang hiniram nitong cellphone.
Subalit, hindi sumasagot ang biktima kung kaya’t pumasok siya dito dahil hindi naman nakakandado ang pinto.
Ganun na lamang ang kanyang pagkabigla nang makita ang biktima na nakabulagta at bumubula ang bibig.
Agad nitong ipinagbigay alam sa mga otoridad ang insidente at nang siyasatin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang lugar na pinangyarihan ng insidente, nakita dito ang isang bote ng silver cleaning solution na walang laman.
Sa nakalap namang impormasyon ng mga imbestigador sa live-in partner ng biktima na si Melchor Torrero, nabatid na may utang ang ginang ng halagang P40,000.00 sa ibat ibang tao na posibleng pinoproblema nito.